1 Akong si Ezekiel ay isa sa mga dinalang-bihag sa baybay ng Ilog Kebar. Noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, nabuksan ang langit at isang pangitain mula sa Diyos ang aking nakita.
2 Ikalimang araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin.
3 Ako na isang pari at anak ni Buzi ay nasa Babilonia sa baybayin ng Ilog Kebar nang magpahayag sa akin si Yahweh.
4 Nang ako'y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso.
5 Sa sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buháy na anyong tao.
6 Sila'y may tig-aapat na mukha at pakpak.
7 Tuwid ang kanilang mga binti. Ang mga paa nila'y parang paa ng guya at tila makinang na tanso.