4 Sabihin mo na lamang sa kanila na ipinapasabi kong huwag sasangguni sa mga propeta ang sinumang Israelitang sumasamba sa diyus-diyosan na naging dahilan ng patuloy nilang pagkakasala. Kapag sumangguni sila, tuwiran kong ibibigay sa kanila ang sagot na nararapat sa marami nilang diyus-diyosan.
5 Sa pamamagitan ng sagot kong ito, manunumbalik sa akin ang mga Israelitang ito na nahumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.
6 “Sabihin mo nga sa bayang Israel na ipinapasabi ko: Magsisi na kayo at tigilan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan.
7 Sapagkat ako ang tuwirang sasagot sa sinumang Israelita o nakikipamayan sa Israel na sasangguni sa propeta habang siya ay malayo sa akin, at patuloy sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa kanyang kasamaan.
8 Itatakwil ko ang ganoong uri ng tao. Gagawin ko siyang usap-usapan ng lahat at babala para sa iba. Sa gayon, hindi na siya mapapabilang sa Israel. Sa gayo'y makikilala ninyong ako si Yahweh.
9 “Kapag ang isang propeta ay naakit magpahayag ng mali, ako ang dumaya sa kanya. Kung magkagayon, paparusahan ko siya at hindi na ibibilang sa aking bayan.
10 Siya at ang sasangguni sa kanya ay paparusahan ko. Kung ano ang ipaparusa ko sa propeta ay siya ko ring ipaparusa sa sinumang sasangguni sa kanya.