6 Tumubo ito at naging baging na gumagapang sa lupa. Ang mga sanga nito'y nakaturo sa puno at ang ugat ay tumubo nang pailalim. Naging baging nga ito, nagsanga at nagsupling.
7 “Ngunit may dumating na isa pang malaking agila; malapad din ang pakpak at malago ang balahibo. Ang mga sanga at ugat ng baging ay humarap sa agilang ito sa pag-aakalang siya'y bibigyan nito ng mas maraming tubig.
8 Ito'y nakatanim sa matabang lupain sa tabi ng tubig, at maaaring lumago hanggang maging punong balot ng karangalan.
9 Sabihin mong ipinapatanong ko sa kanila: Patuloy kaya itong lalago? Hindi kaya maputol ang mga ugat nito o mabali ang mga sanga at dahil doo'y malanta ang mga usbong? Hindi na kakailanganin ang malakas na tao o ang magtulung-tulong ang marami para mabunot pati ugat nito.
10 Ngunit mabuhay pa kaya ito kung ilipat ng taniman? Kung magbago ng lugar, hindi kaya ito mamatay na parang binayo ng malakas na hangin?”
11 Sinabi sa akin ni Yahweh,
12 “Itanong mo sa mapaghimagsik na bayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng palaisipang ito. Sabihin mong ang hari ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem. Binihag nito ang hari roon pati ang mga pinuno, at iniuwi sa Babilonia.