15 Sa gayon, mababagabag ang kanilang kalooban at marami sa kanila ang mabubuwal. Binabalaan ko sila sa pamamagitan ng tabak na ang kislap ay tulad ng kidlat; handa itong mamuksa.
16 Itataga ito nang kaliwa't kanan, magkabi-kabila.
17 Papalakpak din ako para mapawi ang matindi kong poot. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
18 Sinabi pa sa akin ni Yahweh,
19 “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan;
20 ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem.
21 Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog.