24 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko.
25 Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila.
26 Ang mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang.
27 Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman.
28 Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi.
29 Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan.
30 Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita.