17 “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala.
18 Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila'y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan.
19 Subalit kapag binigyan mo sila ng babala, at hindi sila nagsisi sa kanilang kasamaan, mamamatay nga sila dahil sa kanilang mga kasalanan; ngunit hindi mo iyon pananagutan.
20 Kapag nagpakasama ang isang matuwid, ilalagay ko siya sa panganib. Mawawalan ng kabuluhan ang kabutihang ginawa niya noong una at mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan. Kapag hindi mo siya binigyan ng babala, pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan.
21 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang mga taong matuwid, at sila'y lumayo sa kasamaan, hindi sila mamamatay; at wala kang pananagutan.”
22 Hinawakan ako ni Yahweh at sinabi sa akin, “Tumayo ka. Magpunta ka sa kapatagan at may sasabihin ako sa iyo.”
23 Tumayo nga ako at nagpunta sa kapatagan. Pagdating doon, nakita ko ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng nakita ko sa baybayin ng Ilog Kebar. Nagpatirapa ako sa lupa.