24 “Naroon ang Elam na napapaligiran ng kanyang mga kasamahan na pawang namatay sa digmaan. Dati'y kinatatakutan sila sa daigdig ngunit ngayon sila'y nasa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga nauna na roon.
25 Siya'y kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan, napapaligiran ng puntod ng kanyang mga tauhan. Naghasik sila ng takot sa ibabaw ng daigdig at ngayo'y inilagay sila sa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman kasama ng iba pang napatay sa digmaan.
26 “Naroon ang Meshec at Tubal na napapaligiran ng kanilang mga tauhang hindi tuli na pawang napatay sa digmaan, sapagkat nagpunla sila ng takot sa ibabaw ng daigdig.
27 Hindi sila pinarangalan tulad ng mga bayaning nauna sa kanila sa daigdig ng mga patay. Ang mga bayaning iyon ay inilibing na suot ang kanilang kagayakang pandigma at nasa ulunan ang tabak. Sila ay kinatakutan noong nabubuhay.
28 Gayon mamamatay ang mga Egipcio, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
29 “Naroon ang Edom, ang mga hari nito at mga pinuno. Sa kabila ng kanilang tinaglay na kapangyarihan, naroon sila ngayon sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
30 “Naroon ang mga pinunong taga-hilaga at lahat ng taga-Sidon. Inilagay rin sila sa kahihiyan dahil sa takot na inihasik nila bunga ng kanilang kapangyarihan. Kasama sila sa walang hanggang kalaliman ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.