1 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka sa kaburulan ng Israel. Sabihin mo: Kaburulan ng Israel, dinggin mo ang salita ni Yahweh:
2 Sinabi sa iyo ng kaaway ninyo na, ‘Mabuti nga,’ at, ‘Ang kanilang mga kabundukan ay sakop na natin.’
3 Kaya, magpahayag ka. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sinakop ng mga bansa ang kaburulan ng Israel at lubusan itong winasak. Dahil dito, pinagtawanan siya ng lahat.
4 Kaya, ito ngayon ang sinasabi ko tungkol sa mga bundok, burol, bangin, kapatagan at mga lunsod na wasak na naging biktima at katatawanan ng mga bansa sa paligid.
5 Ipinapasabi nga ni Yahweh: Sa pag-iinit ng loob ko dahil sa panibugho, maliwanag kong ipinahayag ang aking galit sa mga bansa, lalo na sa Edom, sapagkat buong pagyayabang niyang sinakop ang aking bayan. Hindi na niya ito iginalang, bagkus ay sinamsam ang lahat ng maibigan niya.
6 Kaya, magpahayag ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, bangin, at kapatagan na ako'y nagsasalita sa tindi ng aking galit dahil sa pagkutyang dinanas nila mula sa ibang bansa.