41 Tig-apat ang mesa sa loob at labas ng bulwagan. Sa mga mesang ito pinapatay ang lahat ng hayop na panghandog.
42 Yari sa tinapyas na bato ang apat na mesang patungan ng hayop na susunugin bilang handog. Ang taas nito ay kalahating metro, 0.7 metro ang lapad at ang haba. Dito inilalagay ang mga kasangkapang pangkatay sa mga handog.
43 Sa paligid ng mga mesa ay may pinakapasamanong singlapad ng isang palad. Sa mesa ipinapatong ang karneng panghandog.
44 Dinala ako sa patyo sa loob. Doon ay may dalawang tanging silid: ang isa'y nakaharap sa timog at ang isa nama'y nakaharap sa hilaga.
45 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang silid na nakaharap sa timog ay ukol sa mga paring nangangasiwa sa templo,
46 at ang nakaharap sa hilaga ay para naman sa mga paring nangangasiwa sa altar. Sila'y mga anak ni Zadok, ang sambahayan mula sa lipi ni Levi na siya lamang maaaring maglingkod sa harapan ni Yahweh.”
47 Sinukat ng lalaki ang patyo sa loob. Ito'y parisukat na limampung metro. Nasa gawing kanluran ang templo at nasa harap nito ang altar.