3 at kinamuhian ko naman si Esau? Winasak ko ang kanyang maburol na kabayanan at pinamugaran iyon ng maiilap na hayop.”
4 Kung sabihin man ng mga Edomita na mga salinlahi ni Esau, “Bagaman winasak ang aming bayan, muli namin itong itatayo.” Ito naman ang isasagot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Itayo man nilang muli iyon ay muli kong wawasakin hanggang sa tawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘bayang kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.’”
5 Makikita ninyong mangyayari ito at inyong sasabihin, “Dakila at makapangyarihan si Yahweh kahit sa labas ng bansang Israel.”
6 Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’
7 Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar
8 sa tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan?
9 “Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya.