11 Sumira ang Juda sa kanyang pangako sa Diyos at dahil dito'y naganap sa Israel at sa Jerusalem ang isang kasumpa-sumpang pangyayari. Niyurakan nila ang Templo na pinakamamahal ni Yahweh. Ang mga lalaki'y nag-asawa sa mga babaing sumasamba sa ibang mga diyos.
12 Puksain nawa ni Yahweh sa bansang Israel ang sinumang gumagawa nito at huwag na silang pahintulutan pang makibahagi sa paghahandog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
13 Kahit pa diligin ninyo ng luha ang altar niya, kahit pa manangis kayo't dumaing, hindi na niya kaluluguran ang mga handog ninyo sa kanya.
14 Itinatanong ninyo kung bakit. Saksi si Yahweh na kayo'y sumira sa pangako ninyo sa inyong asawang pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. Sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagama't nangako kayong magiging tapat sa kanya.
15 Hindi ba't pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu? Ang layunin niya ay upang maging tunay na mga anak ng Diyos ang inyong mga supling. Kaya't huwag ninyong pagtaksilan ang babaing pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa.
16 “Nasusuklam ako sa pagpapalayas at paghihiwalay ng mga mag-asawa,” sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. “Napopoot ako sa taong gumagawa ng kalupitan sa kanyang asawa. Kaya nga maging tapat kayo sa inyong asawa.”
17 Sawang-sawa na si Yahweh sa inyong mga sinasabi. Subalit itinatanong pa ninyo, “Bakit siya nagsasawa?” Sinasabi ninyong mahal ni Yahweh ang mga gumagawa ng kasamaan at nalulugod siya sa kanila. Itinatanong din ninyo, “Nasaan ang Diyos na makatarungan?”