6 Itinuro niya ang tama at hindi ang mali. Namuhay siya ng matuwid at matapat sa akin at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasamaan.
7 Tungkulin ng mga pari na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sila ang dapat sangguniin ng mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
8 “Subalit lumihis kayo sa daang matuwid at marami ang nabulid sa kasamaan dahil sa inyong katuruan. Sinira ninyo ang aking kasunduan kay Levi,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
9 “Kaya, hahayaan kong kamuhian at hamakin kayo ng mga tao sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking kalooban at hindi pantay-pantay ang inyong pakikitungo sa mga tao kapag sila'y tinuturuan ninyo.”
10 Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? Kung gayo'y bakit nagtataksil tayo sa isa't isa at nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno?
11 Sumira ang Juda sa kanyang pangako sa Diyos at dahil dito'y naganap sa Israel at sa Jerusalem ang isang kasumpa-sumpang pangyayari. Niyurakan nila ang Templo na pinakamamahal ni Yahweh. Ang mga lalaki'y nag-asawa sa mga babaing sumasamba sa ibang mga diyos.
12 Puksain nawa ni Yahweh sa bansang Israel ang sinumang gumagawa nito at huwag na silang pahintulutan pang makibahagi sa paghahandog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.