4 Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.
5 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating ako upang hatulan ang mga mangkukulam, ang mga mangangalunya, ang mga bulaang saksi, ang mga nandaraya sa kanilang mga manggagawa, ang mga nagsasamantala sa mga biyuda, sa mga ulila't mga dayuhan at ang mga hindi gumagalang sa akin.”
6 “Ako si Yahweh. Hindi pa kayo lubusang nalilipol sapagkat hindi ako nagbabago sa aking pangako.
7 Subalit tulad ng inyong mga ninuno, tumalikod kayo at sinuway ninyo ang aking mga kautusan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’
8 “Ang tanong ko nama'y, matuwid bang pagnakawan ng tao ang Diyos? Hindi! Ngunit pinagnanakawan ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikasampung bahagi at mga handog.
9 Isinumpa ko kayong lahat sapagkat ako'y pinagnanakawan ng buong bansa.
10 Dalhin ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.