22-23 Ang lunsod naman ng Bethel na dating Luz ay sinalakay ng mga lipi ni Jose at tinulungan din sila ni Yahweh. Nagpadala muna sila roon ng mga espiya.
24 Sa daan ay may nasalubong silang isang tao mula sa lunsod. Sinabi nila rito, “Ituro mo sa amin ang pagpasok sa lunsod at gagantimpalaan ka namin.”
25 Itinuro naman nito sa kanila, at pinatay nila ang mga tagaroon maliban sa lalaking napagtanungan nila pati ang pamilya nito.
26 Pagkatapos, ang lalaking iyon ay nagpunta sa lupain ng mga Heteo at nagtayo ng isang lunsod na hanggang ngayo'y tinatawag na Luz.
27 Hindi pinaalis ng lipi ni Manases ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Beth-sean, Taanac, Dor, Ibleam, Megido at sa mga nayong sakop ng mga ito. Kaya't nanatili roon ang mga Cananeo.
28 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.
29 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Efraim ang mga Cananeo sa lunsod ng Gezer. Sila'y sama-samang nanirahan doon.