10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.”
11 Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno.
12 Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”
13 Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”
14 Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita
15 at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon.
16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula hanggang sa Kades.