12 Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”
13 Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”
14 Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita
15 at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon.
16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula hanggang sa Kades.
17 Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades.
18 Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab.