18 Sinabi ng anghel ni Yahweh, “Bakit gusto pa ninyong malaman ang aking pangalan? Ito'y kamangha-manghang pangalan.”
19 Noon din, si Manoa'y kumuha ng kambing at handog na pagkaing butil. Sinunog niya ang mga ito sa ibabaw ng isang malaking bato bilang handog kay Yahweh, na gumagawa ng kababalaghan.
20 Nang nagliliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy. Nagpatirapa ang mag-asawa,
21 sapagkat noon nila naunawaan na ang nakausap pala nila'y isang anghel ni Yahweh. Hindi na nila muling nakita ang anghel.
22 Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo sapagkat nakita natin ang Diyos.”
23 Ngunit ang sagot ng kanyang asawa, “Kung papatayin tayo ni Yahweh, hindi sana niya tinanggap ang ating handog. Hindi rin sana niya pinahintulutang masaksihan natin ang lahat ng ito, ni sabihin ang mga narinig natin.”
24 Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang batang patuloy na pinagpapala ni Yahweh.