9 Sinalok niya ng kanyang mga kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito, ngunit hindi alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon.
10 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo.
11 Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki.
12 Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit.
13 Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.”Sumagot sila, “Payag kami.”
14 Sinabi ni Samson,“Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain;at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan.
15 Nang ikaapat na araw, sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?”