Mga Hukom 16:8-14 RTPV05

8 Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson.

9 Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas.

10 Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.”

11 Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”

12 Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid.

13 Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.”Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.”

14 Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok.