1 Nang panahong wala pang hari ang Israel, may isang Levita sa malayong bulubundukin ng Efraim. Kumuha siya ng isang babaing taga-Bethlehem, Juda at ginawa niyang asawang-lingkod.
2 Subalit nagalit sa kanya ang babae at umuwi sa mga magulang nito sa Bethlehem. Nanatili ito roon nang apat na buwan.
3 Naisipan naman ng Levita na puntahan ang asawa at himuking makisamang muli sa kanya. Nagpagayak siya ng dalawang asno at lumakad na kasama ang isang katulong. Pagdating doon, pinatuloy sila ng babae at malugod na tinanggap ng biyenang lalaki.
4 Pinilit pa siyang tumigil doon, kaya nanatili siya roon nang tatlong araw.
5 Nang ikaapat na araw, maaga silang gumising at naghanda sa pag-uwi. Ngunit sinabi ng ama ng babae, “Kumain muna kayo bago lumakad para hindi kayo gutumin sa daan.”