18 Sumagot ang Levita, “Galing po kami sa Bethlehem, Juda at papauwi na sa kaburulan ng Efraim. Wala po namang nag-aalok sa amin ng matutuluyan.
19 Mayroon po kaming pagkain, pati ang aming mga asno. Sapat po ang dala namin para sa aking sarili, sa aking asawang-lingkod at aking alipin.”
20 Sinabi ng matandang lalaki, “Sa amin na kayo magpalipas ng gabi, huwag dito sa liwasang-bayan.”
21 Sumama naman sila sa matanda. Pagdating ng bahay, pinakain ng matanda ang mga asno ng kanyang panauhin. Sila naman ay naghugas ng paa, at kumain.
22 Nang sila'y kasalukuyang kumakain, ang bahay ay pinaligiran ng mga tagaroong mahilig sa kalaswaan at kinalampag ang pinto. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking panauhin mo't makikipagtalik kami sa kanya.”
23 Sumagot ang matanda, “Huwag, mga kaibigan! Napakasama ng iniisip ninyong iyan. Nakikiusap ako sa inyo na igalang naman ninyo ang taong ito sapagkat siya'y aking panauhin.
24 Kung gusto ninyo, ang anak kong birhen pa o ang kanyang asawa na lang ang hilingin ninyo. Ibibigay ko sila sa inyo at gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, huwag lang itong panauhin kong lalaki.”