11 Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.
12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel.
13 Nakipagsabwatan si Eglon sa mga Ammonita at mga Amalekita. Natalo nila ang Israel at nasakop ang Lunsod ng Palma.
14 Labing-walong taóng sakop ni Eglon ang mga Israelita.
15 Subalit nang muling humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita, ginawa niyang hukom si Ehud na isang kaliwete, anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin, upang sila'y iligtas. Siya ang pinagdala ng mga Israelita ng kanilang buwis kay Haring Eglon, kaya't
16 si Ehud ay gumawa ng isang tabak na magkabila'y talim at isa't kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang hita, sa loob ng kanyang damit.
17 At dinala nga ni Ehud ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon na isang napakatabang lalaki.