2 Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na ang mga walang karanasan sa digmaan.
3 Ang mga naiwan sa lupain ay ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, mga taga-Sidon at mga Hivita na nanirahan sa Bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat.
4 Ginamit sila ni Yahweh upang subukin kung susunod o hindi ang mga Israelita sa mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises.
5 Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupaing iyon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo.
6 Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan.
7 Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera.
8 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito.