6 Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan.
7 Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera.
8 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito.
9 Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin.
10 Nilukuban siya ng Espiritu ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel.
11 Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.
12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel.