12 Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.”
13 Sumagot si Gideon, “Mawalang-galang na po. Kung talagang kasama namin si Yahweh, bakit ganito ang nangyayari sa amin? Nasaan na ngayon ang mga kababalaghang ginawa niya noon gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong sila'y iniligtas niya sa Egipto? Pinabayaan na kami ni Yahweh sa kamay ng mga Midianita.”
14 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo upang iligtas ang Israel mula sa mga Midianita. Ako mismo ang nagsusugo sa iyo.”
15 Sumagot si Gideon, “Ngunit Panginoon, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming angkan ang pinakamahina sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakahamak sa pamilya namin.”
16 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Makakaya mo ito sapagkat tutulungan kita. Matatalo mo ang mga Midianitang ito na para ka lang lumaban sa isang tao.”
17 Sumagot si Gideon, “Kung ako po ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin.
18 Huwag po muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”“Hihintayin kita,” sagot ni Yahweh.