19 Umuwi nga si Gideon at nagluto ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa mula sa limang salop na harina. Pagkaluto, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng malaking puno.
20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong ito ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, buhusan mo ng sabaw.” Iyon nga ang ginawa ni Gideon.
21 Ang karne at ang tinapay ay hinawakan ng anghel ni Yahweh sa pamamagitan ng tungkod. May lumabas na apoy mula sa bato at nasunog ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, ang anghel ni Yahweh ay nawala sa kanyang paningin.
22 Saka pa lamang naunawaan ni Gideon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at sinabi, “Panginoong Yahweh tulungan mo po ako! Harap-harapan kong nakita ang iyong anghel!”
23 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huminahon ka. Huwag kang matakot. Hindi ka mamamatay.”
24 At si Gideon ay nagtayo roon ng isang altar para kay Yahweh na tinawag niyang, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” (Hanggang ngayon ay naroon pa sa Ofra ang altar, sa lugar na sakop ng angkan ni Abiezer.)
25 Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito.