25 Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito.
26 Pagkatapos, magpatung-patong ka ng mga bato sa ibabaw ng burol na ito bilang altar para kay Yahweh na iyong Diyos. Pagputul-putulin mo ang rebulto ni Ashera at gawin mong panggatong sa ibabaw ng altar. Ialay mo roon ang pangalawang toro ng iyong ama bilang handog na sinusunog.”
27 Kaya't isinama ni Gideon ang sampu sa kanyang mga tagapaglingkod at ginawa ang sinabi sa kanya ni Yahweh. Gabi nang gawin niya ito sapagkat natatakot siya sa kanyang pamilya at sa mga taong-bayan.
28 Kinabukasan ng madaling-araw, nakita na lamang ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal at putul-putol na ang rebulto ni Ashera na ipinanggatong sa pangalawang toro na sinunog sa altar na itinayo roon.
29 Nagtanungan sila, “Sino kaya ang may kagagawan nito?” Nagsiyasat sila at nalaman nilang si Gideon na anak ni Joas ang may kagagawan niyon.
30 Sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo rito ang anak mo at papatayin namin. Giniba niya ang altar ni Baal at pinagputul-putol ang rebulto ni Ashera sa tabi ng altar.”
31 Sumagot si Joas, “Ipinaglalaban ba ninyo si Baal? Ipinagtatanggol n'yo ba siya? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kung siya'y talagang diyos, hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Di ba't kanyang altar ang giniba?”