24 Ngunit mayroon akong hihilingin sa inyo: Ibigay ninyo sa akin ang mga hikaw na nasamsam ninyo mula sa kanila.” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita sapagkat iyon ang ugali ng mga taong taga-disyerto.)
25 Sumagot sila, “Buong puso naming ibibigay sa iyo.” Naglatag sila sa lupa ng isang malapad na damit at inilagay roon ang lahat ng nasamsam nilang hikaw.
26 Nang timbangin nila ang mga hikaw na ginto, ito'y umabot ng animnapung libra, hindi pa kasama ang mga hiyas, kuwintas, at mga kulay ubeng kasuotan ng mga hari ng Midian. Hindi rin kasama roon ang mga palamuti sa leeg ng mga kamelyo.
27 Mula sa gintong nasamsam, si Gideon ay nagpagawa ng isang diyus-diyosan at dinala sa Ofra na kanyang lunsod. Ang mga Israelita'y tumalikod sa Diyos at naglingkod sa diyus-diyosang ipinagawa ni Gideon. Ito ang naging malaking kapulaan kay Gideon at sa kanyang sambahayan.
28 Lubusang natalo ng Israel ang Midian at ito'y hindi na nakabawi. Nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon, habang nabubuhay si Gideon.
29 Umuwi si Gideon sa sarili niyang bahay at doon nanirahan.
30 Pitumpu ang kanyang naging anak sapagkat marami siyang asawa.