14 Kaya, sinabi nila sa halamang matinik, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’
15 Ang sagot ng halamang matinik, ‘Kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy sa aking mga tinik upang sunugin ang mga sedar ng Lebanon.’
16 “Ngayon,” patuloy ni Jotam, “sang-ayon ba sa inyong malinis na hangarin na ginawa ninyong hari si Abimelec? Iginalang ba ninyo ang alaala ni Gideon, at nilalapastangan ninyo ang kanyang pamilya?
17 Alalahanin ninyong kayo'y ipinaglaban ng aking ama. Itinaya niya ang kanyang buhay upang iligtas kayo sa mga Midianita.
18 Ngunit ngayo'y kinakalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama. Pinatay ninyo ang pitumpu niyang anak sa ibabaw ng isang bato at si Abimelec na anak niya sa kanyang aliping babae ang ginawa ninyong hari sapagkat kamag-anak ninyo.
19 Kung iyan ang inaakala ninyong dapat iganti sa kabutihan sa inyo ni Gideon at sa kanyang sambahayan, ipagpatuloy ninyo. Magpakaligaya kayo, pati si Abimelec.
20 Ngunit kung hindi, sana'y sumiklab ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga lalaki ng Shekem at Bethmilo. Sumiklab sana ang apoy mula sa mga lalaki ng Shekem at Bethmilo at sunugin si Abimelec.”