40 Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod.
41 Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik.
42 Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec.
43 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito.
44 Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran.
45 Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa.
46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit.