50 Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon.
51 May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore.
52 Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore,
53 ngunit siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo.
54 Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay.
55 Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan.
56 Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid.