Mga Panaghoy 1:2-8 RTPV05

2 Buong kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata'y laging luhaan;lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang umaliw sa kanya.Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay naging mga kaaway na.

3 Ang mga taga-Juda'y nabihag at dumanas ng kalungkutan at sapilitang paglilingkod.Sa pananahanan nila sa gitna ng mga bansa'y hindi man lamang sila makapagpahinga.Napapaligiran sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas.

4 Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem, pagkat wala nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan.Wala nang nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan; dumaraing at nagbubuntong-hininga ang kanyang mga pari,pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo. Napakapait ng sinapit niya!

5 Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway,pinapaghirap siya ni Yahweh dahil sa marami niyang kasalanan.Wala na ang kanyang mga anak, sila'y dinalang-bihag ng kaaway.

6 Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem.Ang kanyang mga pinuno'y parang mga usang di makasumpong ng pastulan;nanghihina na sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila.

7 Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan.Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang sa kanila'y umalalay;nang sila'y bumagsak, sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila.

8 Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya't siya'y naging katatawanan; itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon sa kanya.Sa matinding kahihiyan mukha'y tinakpan,sa isang sulok nanaghoy na lamang.