1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sa kanila'y sinasabi,
2 Inyong salitain sa mga anak ni Israel, na inyong sabihin, Ito ang mga bagay na may buhay na inyong makakain sa lahat ng mga hayop na nasa lupa.
3 Alinmang may hati ang paa na baak at ngumunguya, sa mga hayop, ay inyong makakain.
4 Gayon ma'y huwag ninyong kakanin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, sapagka't ngumunguya, nguni't walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo.
5 At ang koneho, sapagka't ngumunguya, datapuwa't walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo.
6 At ang liebre; sapagka't ngumunguya datapuwa't walang hati ang paa, karumaldumal nga sa inyo.
7 At ang baboy, sapagka't may hati ang paa at baak, datapuwa't hindi ngumunguya, karumaldumal nga sa inyo.
8 Huwag kayong kakain ng laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga yaon ay huwag ninyong hihipuin; mga karumaldumal nga sa inyo.
9 Ang mga ito'y inyong makakain sa mga nasa tubig: alin mang may mga palikpik at mga kaliskis sa tubig, sa mga dagat at sa mga ilog, ay makakain ninyo.
10 At lahat ng walang palikpik at kaliskis sa mga dagat, at sa mga ilog, at sa lahat ng mga gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay pawang karumaldumal nga sa inyo.
11 At magiging karumaldumal sa inyo; huwag kayong kakain ng laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay aariin ninyong karumaldumal.
12 Anomang walang palikpik at kaliskis sa tubig ay magiging karumaldumal sa inyo.
13 At sa mga ibon ay aariin ninyong karumaldumal ang mga ito; hindi kakanin, mga karumaldumal nga; ang agila, ang agilang dumudurog ng mga buto, at ang agilang dagat:
14 At ang lawin, at ang limbas, ayon sa kaniyang pagkalimbas;
15 Lahat ng uwak ayon sa kaniyang pagkauwak;
16 At ang avestruz, at ang chotacabras at ang gaviota, at ang gavilan ayon sa kaniyang pagkagavilan;
17 At ang maliit na kuwago, at ang somormuho, at ang malaking kuwago;
18 At ang kuwagong tila may sungay at ang pelikano, at ang buitre;
19 At ang ciguena, ang tagak ayon sa kaniyang pagkatagak; at ang abubilla, at ang kabagkabag.
20 Lahat na may pakpak na umuusad na lumalakad na may apat na paa ay marumi nga sa inyo.
21 Gayon man, ang mga ito'y inyong makakain sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, ang mga may dalawang paang mahaba, bukod pa sa kanilang mga paa, upang kanilang ipanglukso sa lupa;
22 Sa kanila'y makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kaniyang pagkabalang, at ang lukton ayon sa kaniyang pagkalukton, at ang kuliglig lupa ayon sa kaniyang pagkakuliglig, at ang tipaklong ayon sa kaniyang pagkatipaklong.
23 Datapuwa't lahat na may pakpak na umuusad na mayroong apat na paa, ay kasuklamsuklam nga sa inyo.
24 At sa mga ito ay magiging karumaldumal kayo: sinomang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon:
25 At sinomang bumuhat ng bangkay ng mga iyan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
26 Bawa't hayop na may hati ang paa na hindi baak, o hindi ngumunguya, ay karumaldumal sa inyo: bawa't humipo sa mga iyan ay magiging karumaldumal.
27 At anomang inilalakad ang kaniyang pangamot sa lahat ng hayop na inilalakad ang apat na paa, ay karumaldumal nga sa inyo: sinomang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
28 At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: mga karumaldumal nga sa inyo.
29 At ang mga ito'y karumaldumal sa inyo, sa mga umuusad na nagsisiusad, sa ibabaw ng lupa: ang bubwit, at ang daga, at ang bayawak ayon sa kaniyang pagkabayawak;
30 At ang tuko, at ang buwaya, at ang butiki, at ang bubuli at ang hunyango.
31 Ang mga ito'y karumaldumal sa inyo sa lahat ng umuusad: sinomang mangakahipo sa mga iyan pagka ang mga iyan ay patay, ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
32 At yaong lahat na kabagsakan ng mga iyan, pagka patay, ay magiging karumaldumal nga: maging alin mang kasangkapan kahoy, o bihisan, o balat, o supot, alin mang kasangkapang ginagamit sa anomang gawa, sa tubig dapat ilubog, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon; kung magkagayo'y magiging malinis.
33 At bawa't sisidlang lupa na kahulugan ng mga iyan, lahat ng nalalaman doon ay magiging karumaldumal, at yao'y inyong babasagin.
34 Lahat ng pagkain na makakain na kabuhusan ng tubig, ay magiging karumaldumal; at lahat ng inuming maiinom na masilid sa alin man sa mga gayong sisidlang lupa, ay magiging karumaldumal.
35 At lahat na kahulugan ng anomang bahagi ng bangkay ng mga yaon ay magiging karumaldumal; maging hurno o kalan ng mga palyok, ay babasagin: mga karumaldumal nga at magiging karumaldumal sa inyo.
36 Gayon ma'y ang isang bukal o ang isang balon, na tipunan ng tubig, ay magiging malinis: datapuwa't ang masagi ng bangkay ng mga yaon ay magiging karumaldumal.
37 At kung mahulugan ng kanilang bangkay ang alin mang binhing panhasik na ihahasik, ay malinis.
38 Nguni't kung nabasa ang binhi at mahulugan ng bangkay ng mga yaon, ay magiging karumaldumal sa inyo.
39 At kung ang anomang hayop na inyong makakain ay mamatay; ang makahipo ng bangkay niyaon ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
40 At ang kumain ng bangkay niyaon ay maglalaba ng kaniyang suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon: gayon din ang bumuhat ng bangkay niyaon, ay maglalaba ng kaniyang suot, at magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
41 At bawa't umuusad na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, ay karumaldumal; hindi kakanin.
42 Lahat ng lumalakad ng kaniyang tiyan, at lahat ng lumalakad ng apat na paa o mayroong maraming paa, sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakanin; sapagka't mga karumaldumal nga.
43 Huwag kayong magpakarumal sa anomang umuusad, o huwag kayong magpakalinis man sa mga iyan, na anopa't huwag kayong mangahawa riyan,
44 Sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo'y maging mga banal; sapagka't ako'y banal: ni huwag kayong magpakahawa sa anomang umuusad na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.
45 Sapagka't ako ang Panginoon na nagsampa sa inyo mula sa lupain ng Egipto, upang ako'y inyong maging Dios: kayo nga'y magpakabanal, sapagka't ako'y banal.
46 Ito ang kautusan tungkol sa hayop, at sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw sa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa;
47 Upang lagyan ninyo ng pagkakaiba ang karumaldumal at ang malinis, at ang may buhay na makakain at ang may buhay na hindi makakain.