1 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na ibibigay ko sa inyo, ay mangingilin ng isang sabbath sa Panginoon ang lupain.
3 Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong kakapunin mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang bunga ng mga iyan;
4 Datapuwa't sa ikapitong taon ay magiging sabbath na takdang kapahingahan sa lupain, sabbath sa Panginoon: huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni kakapunin ang iyong ubasan.
5 Yaong tumubo sa sarili sa iyong inaanihan ay huwag mong aanihin, at ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi nakapon ay huwag mong titipunin: magiging taong takdang kapahingahan sa lupain.
6 At ang bunga sa sabbath ng lupain ay magiging pagkain sa inyo; sa iyo, at sa iyong aliping lalake at babae, at sa iyong aliping upahan, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa iyo;
7 At sa iyong mga baka at sa mga hayop na nasa iyong lupain ay magiging pagkain ang lahat ng bunga ng mga iyan.
8 At bibilang ka ng pitong sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at magiging sa iyo'y mga araw ng pitong sabbath ng mga taon, sa makatuwid baga'y apat na pu't siyam na taon.
9 Kung magkagayo'y maguutos ka na lumibot sa bayan ang pakakak na matunog sa ikasangpung araw ng ika pitong buwan; sa araw ng pagtubos patutunugin ninyo ang pakakak sa buong lupain ninyo.
10 At ipangingilin ninyo ang ikalimang pung taon, at ihahayag ninyo sa buong lupain ang kalayaan sa lahat na tumatahan sa lupain: iya'y magiging kapistahan ng jubileo sa inyo; at bawa't isa sa inyo ay babalik sa kaniyang pag-aari, at bawa't isa'y babalik sa kaniyang sangbahayan.
11 Magiging kapistahan ng jubileo nga sa inyo ang ikalimang pung taon: huwag ninyong hahasikan ni aanihin ang tumubo sa kaniyang sarili, ni titipunin ang mga ubas ng ubasan na hindi nakapon.
12 Sapagka't kapistahan ng jubileo; magiging banal sa inyo: kakanin ninyo ang bunga niyan sa bukid.
13 Sa taong ito ng jubileo, ay babalik kayo, bawa't isa sa kaniyang pag-aari.
14 At kung ikaw ay magbili ng anoman sa iyong kapuwa o bumili ng anoman sa kamay ng iyong kapuwa, ay huwag kayong magdadayaan.
15 Ayon sa bilang ng taon pagkatapos ng jubileo, ay bibilhin mo sa iyong kapuwa, ayon sa bilang ng taon ng pagaani, ay kaniyang ipagbibili sa iyo.
16 Ayon sa dami ng mga taon, ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon, ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagka't ganyang bilang ng ani ang kaniyang ipagbibili sa iyo.
17 At huwag kayong magdadayaan; kundi matatakot kayo sa inyong Dios: sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios.
18 Kaya't inyong tutuparin ang aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan at inyong isasagawa at tatahan kayong tiwasay sa lupain.
19 At ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at tatahan kayong tiwasay doon.
20 At kung sasabihin ninyo, Anong aming kakanin sa ikapitong taon? narito, hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga:
21 At aking igagawad ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magbubunga ng kasya sa tatlong taon.
22 At maghahasik kayo sa ikawalong taon, at kakain kayo ng dating kinamalig na mga bunga hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa dumating ang pagbubunga ng ikawalo ay kakain kayo ng dating kinamalig.
23 At ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagka't akin ang lupain: sapagka't kayo'y taga ibang bayan at makikipamayang kasama ko.
24 At sa buong lupain na iyong pag-aari ay magkakaloob kayo ng pangtubos sa lupain.
25 Kung ang iyong kapatid ay maghirap, at ipagbili ang anoman sa kaniyang pag-aari, ay paroroon ang kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya, at tutubusin ang ipinagbili ng kaniyang kapatid.
26 At kung ang taong yaon ay walang manunubos, at siya'y yumaman at nakasumpong ng kasapatan upang matubos yaon;
27 Ay kaniyang bilangin ang mga taon pagkatapos na kaniyang naipagbili, at isasauli ang labis sa taong kaniyang pinagbilhan; at babalik siya sa kaniyang pag-aari.
28 Nguni't kung siya'y walang kasapatan, upang maibalik niya sa kaniya, ang ipinagbili ay matitira nga sa kapangyarihan ng bumili hanggang sa taon ng jubileo; at sa jubileo ay maaalis sa kapangyarihan niyaon, at ang may-ari ay babalik sa kaniyang pag-aari.
29 At kung ang isang tao ay magbili ng bahay na tahanan sa nakukutaang bayan ay matutubos niya sa loob ng isang buong taon pagkatapos na maipagbili; sapagka't isang buong taon ang kaniyang matuwid ng pagtubos.
30 At kung hindi matubos sa loob ng isang buong taon, ang bahay na nasa nakukutaang bayan ay lalagi magpakailan man, na pag-aari niyaong bumili, sa buong panahon ng kaniyang lahi: hindi maaalis sa kaniya sa jubileo.
31 Nguni't ang mga bahay sa mga nayon na walang kuta sa palibot, ay aariing para ng sa mga bukirin sa lupain: kanilang matutubos; at sa jubileo ay magsisialis.
32 Gayon ma'y sa mga bayan ng mga Levita, kailan ma'y maaaring matubos ng mga Levita ang mga bahay sa mga bayan ng kanilang pag-aari.
33 At kung ang isa sa mga Levita ay tumubos, ang bahay na ipinagbili at ang bayang kaniyang pag-aari, ay maaalis sa jubileo, sapagka't ang mga bahay sa mga bayan ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.
34 Datapuwa't ang mga bukid sa palibot ng mga bayan nila, ay hindi maipagbibili, sapagka't pag-aari nila magpakailan man.
35 At kung maghirap ang iyong kapatid at manglupaypay sa iyong siping, ay iyo siyang aalalayan na patutuluyin mo, na manunuluyan sa iyong parang taga ibang bayan at nakikipamayan.
36 Huwag kang kukuha sa kaniya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Dios: patuluyin mo ang iyong kapatid.
37 Ang iyong salapi ay huwag mong ibibigay sa kaniya na may patubo, ni ibibigay mo sa kaniya na may pakinabang ang iyong pagkain.
38 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto, upang ibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan, at ako'y maging inyong Dios.
39 At kung ang iyong kapatid na kasama mo ay maghirap at pabili siya sa iyo: ay huwag mo siyang papaglilingkuring parang alipin;
40 Ipalalagay mo siyang parang lingkod na upahan at parang nakikipamayan; hanggang sa taon ng jubileo ay maglilingkod siya sa iyo:
41 Kung magkagayo'y aalis siya sa iyo, siya at ang kaniyang mga anak na kasama niya, at babalik sa kaniyang sariling sangbahayan, at babalik sa pag-aari ng kaniyang mga magulang.
42 Sapagka't sila'y aking mga lingkod, na aking inilabas sa lupain ng Egipto; sila'y hindi maipagbibiling parang mga alipin.
43 Huwag kang papapanginoon sa kaniya na may kabagsikan; kundi ikaw ay matatakot sa iyong Dios.
44 At tungkol sa iyong mga aliping lalake at babae na magkakaroon ka; sa mga bansang nasa palibot ninyo, ay makabibili kayo sa kanila ng mga aliping lalake at babae.
45 Saka sa mga anak ng mga taga ibang lupa na nakikipamayan sa inyo, sa mga ito'y makabibili kayo, at sa kanilang mga sangbahayan na nasa inyo, na mga ipinanganak nila sa inyong lupain: at magiging inyong pag-aari.
46 At inyong iiwang pinakapamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo, na pinakapag-aari; sa mga iyan kukuha kayo ng inyong mga alipin magpakailan man: nguni't sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel ay huwag kayong magpapanginoonan na may kabagsikan.
47 At kung ang taga ibang lupa o ang nakikipamayan na kasama mo ay yumaman, at ang iyong kapatid ay maghirap sa siping niya, at pabili sa taga ibang bayan o nakikipamayan sa iyo o sa sinomang kasangbahay ng taga ibang lupa;
48 Pagkatapos na siya'y maipagbili ay kaniyang matutubos: isa sa kaniyang mga kapatid ay makatutubos sa kaniya:
49 O ang kaniyang amain o ang anak ng kaniyang amain ay makatutubos sa kaniya; o sinomang kamaganak na malapit niya sa kaniyang sangbahayan ay makatutubos sa kaniya; o kung yumaman siya ay makatutubos siya sa kaniyang sarili.
50 At kaniyang bibilangan yaong bumili sa kaniya, mula sa taong bilhin siya hanggang sa taon ng jubileo: at ang halaga ng pagkabili sa kaniya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon; at gagawin sa kaniya ay ayon sa panahon ng isang lingkod na upahan.
51 Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli ang halaga ng kaniyang pagkatubos sa kaniya na salaping sa kaniya'y ibinili.
52 At kung kaunti ang mga taong nagkukulang hanggang sa taon ng jubileo ay ibibilang sa kaniya; ayon sa kaniyang mga taon na nagkukulang ay isasauli ang halaga ng kaniyang katubusan.
53 Kung paano ang alilang may bayad sa taon-taon, ay gayon matitira sa kaniya: siya'y huwag papapanginoon sa kaniya na may kabagsikan sa iyong paningin.
54 At kung hindi siya tubusin sa mga paraang ito, ay aalis siya sa taon ng jubileo, siya at ang kaniyang mga anak na kasama niya.
55 Sapagka't sa akin ang mga anak ni Israel ay mga lingkod; sila'y aking mga lingkod na aking inilabas sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.