20 At ihahandog ng saserdote ang handog na susunugin at ang handog na harina sa ibabaw ng dambana: at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.
21 At kung siya'y dukha at ang kaniyang kaya ay hindi aabot, ay kukuha nga siya ng isang korderong lalake na handog dahil sa pagkakasala, na aalugin upang itubos sa kaniya, at ng ikasampung bahagi ng isang epa na mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinakahandog na harina, at ng isang log ng langis;
22 At ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, kung alin ang aabutin ng kaniyang kaya; at ang isa'y magiging handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin.
23 At sa ikawalong araw ay kaniyang dadalhin sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan upang gamitin sa kaniyang paglilinis sa harap ng Panginoon.
24 At kukunin ng saserdote ang korderong handog dahil sa pagkakasala at ang log ng langis, at aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon.
25 At kaniyang papatayin ang korderong handog dahil sa pagkakasala, at kukuha ang saserdote ng dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa:
26 At magbubuhos ang saserdote ng langis sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay: