14 Pagka nakilala ang kasalanan ng kanilang ipinagkasala, ay maghahandog nga ang kapisanan ng isang guyang toro na pinakahandog dahil sa kasalanan, at dadalhin sa harap ng tabernakulo ng kapisanan.
15 At ipapatong ng mga matanda ng kapulungan, ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harap ng Panginoon: at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon.
16 At ang saserdoteng pinahiran ng langis ay magdadala ng dugo ng toro sa tabernakulo ng kapisanan:
17 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at iwiwisik na makapito sa harap ng Panginoon, sa harap ng tabing.
18 At maglalagay siya ng dugo sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana na nasa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
19 At aalisin niya ang lahat ng taba niyaon, at susunugin niya sa ibabaw ng dambana.
20 Gayon ang gagawin niya sa toro; kung paano ang ginawa niya sa torong handog dahil sa kasalanan, ay gayon gagawin niya rito: at itutubos sa kanila ng saserdote, at patatawarin sila.