10 At isusuot ng saserdote ang kaniyang kasuutang lino, at ang kaniyang mga salawal na kayong lino at itatakip niya sa kaniyang katawan; at dadamputin niya ang mga abo ng handog na susunugin na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana.
11 At maghuhubad siya ng kaniyang mga suot, at magbibihis ng ibang mga kasuutan, at ilalabas ang mga abo sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis.
12 At ang apoy sa ibabaw ng dambana ay papananatilihing nagniningas doon, hindi papatayin; at ang saserdote ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyaon tuwing umaga: at aayusin niya sa ibabaw niyaon ang handog na susunugin, at susunugin sa ibabaw niyaon ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
13 Ang apoy ay papananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi papatayin.
14 At ito ang kautusan tungkol sa handog na harina: ihahandog ng mga anak ni Aaron sa harap ng Panginoon, sa harap ng dambana.
15 At kukuha siya niyaon ng kaniyang dakot, ng mainam na harina sa handog na harina, at ng langis niyaon, at ng lahat na kamangyan, na nasa ibabaw ng handog na harina, at kaniyang susunugin sa ibabaw ng dambana, na pinakamasarap na amoy, na alaala niyaon sa Panginoon.
16 At ang labis sa handog ay kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak: walang lebadurang kakanin sa dakong banal; sa looban ng tabernakulo ng kapisanan kakanin nila.