15 Sapagkat ito ang kalooban ng Dios, na sa pamamagitan ng mabubuti ninyong gawa ay walang masabi ang mga hangal na walang alam sa katotohanan.
16 Malaya nga kayo, pero hindi ito nangangahulugang malaya na kayong gumawa ng masama, kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Dios.
17 Igalang nʼyo ang lahat ng tao at mahalin nʼyo ang mga kapatid ninyo kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Dios, at igalang ninyo ang Emperador.
18 Mga alipin, sundin ninyo nang may takot sa Dios ang mga amo ninyo, hindi lang ang mababait kundi pati ang malulupit.
19 Sapagkat pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya.
20 Pero kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Dios.
21 Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo.