16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo.
17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama.
18 Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu.
19-20 At sa kalagayan niyang espiritwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo, na hindi sumunod sa Dios noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Dios ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig.
21 Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Dios na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya.
22 Si Jesu-Cristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Dios, at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.