11 Ang binigyan ng kaloob sa pangangaral ay dapat mangaral ng salita ng Dios. At ang binigyan ng kaloob para maglingkod ay dapat maglingkod ayon sa kakayahang ibinigay sa kanya ng Dios, upang mapapurihan ang Dios sa lahat ng ginagawa natin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Makapangyarihan siya at karapat-dapat purihin magpakailanman! Amen.
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo.
13 Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan nʼyo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat.
14 Kaya kung iniinsulto kayo dahil mga tagasunod kayo ni Cristo, mapalad kayo dahil nasa inyo ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Dios.
15 Kung pinarusahan man kayo, sanaʼy hindi dahil nakapatay kayo ng tao, o nagnakaw, o nakagawa ng masama, o kayaʼy nakialam sa ginagawa ng iba.
16 Ngunit kung pinarusahan kayo dahil Cristiano kayo, huwag kayong mahiya; sa halip ay magpasalamat kayo sa Dios dahil tinatawag kayo sa pangalang ito.
17 Dumating na ang panahong magsisimula na ang Dios sa paghatol sa mga anak niya. At kung itoʼy magsisimula sa atin na mga anak niya, ano kaya ang sasapitin ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Dios?