6 Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.
7 Malapit na ang katapusan ng mundo. Kaya pigilan ninyo ang sarili nʼyo para hindi kayo makagawa ng masama at nang walang maging hadlang sa mga panalangin ninyo.
8 Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan.
9 Tanggapin ninyo sa inyong tahanan ang isaʼt isa nang maluwag sa puso.
10 Binigyan ng Dios ang bawat isa sa atin ng kaloob. Gamitin natin ito para sa ikabubuti ng lahat bilang mabubuting katiwala ng ibaʼt ibang kaloob ng Dios.
11 Ang binigyan ng kaloob sa pangangaral ay dapat mangaral ng salita ng Dios. At ang binigyan ng kaloob para maglingkod ay dapat maglingkod ayon sa kakayahang ibinigay sa kanya ng Dios, upang mapapurihan ang Dios sa lahat ng ginagawa natin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Makapangyarihan siya at karapat-dapat purihin magpakailanman! Amen.
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo.