1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios.Mahal kong mga pinabanal sa Efeso, mga matatapat na nakay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, ibinigay niya sa atin ang lahat ng pagpapalang espiritwal mula sa langit. Bago pa man niya likhain ang mundo, pinili na niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin niya. Dahil sa pag-ibig niya,
5 noong una paʼy itinalaga na niya tayo para maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ayon na rin ito sa kanyang layunin at kalooban.
6 Purihin natin ang Dios dahil sa kamangha-mangha niyang biyaya na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak.
7-8 Sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang mga kasalanan natin. Napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios. Binigyan niya tayo ng karunungan at pang-unawa
9 para maunawaan ang kanyang lihim na plano na nais niyang matupad sa pamamagitan ni Cristo
10 pagdating ng itinakdang panahon. At ang plano niyaʼy pag-isahin ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, at ipasailalim sa kapangyarihan ni Cristo.
11 Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo.
12 Ginawa niya ito para kaming mga naunang sumampalataya kay Cristo ay magbigay-puri sa kanya.
13 Kayo man ay napabilang na kay Cristo nang marinig ninyo ang katotohanan, ang Magandang Balita kung paano kayo maliligtas. Sa pagsampalataya ninyo sa kanya, ibinigay niya ang Banal na Espiritu na kanyang ipinangako bilang tanda na pagmamay-ari na niya kayo.
14 Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Dios ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya nʼyo sa ating Panginoong Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal,
16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Dios dahil sa inyo. At lagi ko kayong ipinapanalangin.
17 Hinihiling ko sa Dios, ang dakilang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, para lalo nʼyo pa siyang makilala.
18 Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan para maunawaan nʼyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga pinabanal.
19-20 Ipinapanalangin ko rin na malaman nʼyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang kapangyarihan ding ito ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Cristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit.
21 Kaya nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. Ang titulo niya ay hindi mapapantayan ninuman, hindi lang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon.
22 Ipinailalim ng Dios kay Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang pangulo ng lahat para sa ikabubuti ng iglesya
23 na siyang katawan ni Cristo. Ang iglesya ay ang kabuuan ni Cristo na siyang bumubuo sa lahat.