1 Akong si Pablo ay nabilanggo dahil sa paglilingkod ko kay Cristo sa pamamagitan ng pagtuturo na kayong mga hindi Judio ay kasama rin sa mga pagpapala ng Dios.
2 Siguradong nabalitaan nʼyo na dahil sa biyaya ng Dios, ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapahayag ng biyaya niya para sa inyo.
3 Gaya ng nabanggit ko sa sulat na ito, ang Dios mismo ang nagpahayag sa akin tungkol sa kanyang lihim na plano para sa inyo.
4 Habang binabasa nʼyo ang sulat kong ito, malalaman nʼyo ang pagkakaunawa ko tungkol sa lihim na plano ng Dios para sa inyo sa pamamagitan ni Cristo.
5 Hindi inihayag ng Dios ang planong ito sa mga tao noon, pero ipinahayag na niya ngayon sa mga banal na apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
6 At ito nga ang plano ng Dios: na sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga hindi Judio ay tatanggap ng mga pangako ng Dios kasama ng mga Judio, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Cristo Jesus.
7 Dahil sa biyaya ng Dios, naging tagapangaral ako ng Magandang Balitang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niya.
8 Kahit ako ang pinakahamak sa lahat ng mga mananampalataya, ipinagkaloob pa rin sa akin ng Dios ang pribilehiyong ipangaral sa mga hindi Judio ang hindi masukat na biyayang galing kay Cristo,
9 at ipaliwanag sa lahat kung paano maisasakatuparan ang plano ng Dios. Noong unaʼy inilihim ito ng Dios na lumikha ng lahat ng bagay,
10 para sa pamamagitan ng iglesya ay maipahayag ngayon sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan niyang nahahayag sa ibaʼt ibang paraan.
11 Ito na ang plano niya sa simula pa lang, at natupad niya ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na Panginoon natin.
12 Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan.
13 Kaya huwag sana kayong panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na dinaranas ko, dahil para ito sa ikabubuti ninyo.
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya.
15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya.
16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu
17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios,
18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios.
20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin.
21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.