1 Anim na araw bago dumating ang Pista ng Paglampas ng Anghel, pumunta si Jesus sa Betania, kung saan nakatira si Lazarus na muli niyang binuhay.
2 Kaya naghanda sila roon ng hapunan para kay Jesus. Si Lazarus ay isa sa kasalo ni Jesus sa pagkain. Si Marta ang nagsilbi sa kanila.
3 Kumuha si Maria ng kalahating litro ng purong pabango na gawa sa halamang nardo na mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak ang pabango sa buong bahay.
4 Ang isa sa mga tagasunod ni Jesus na naroon ay si Judas Iscariote na magtatraydor sa kanya. Sinabi ni Judas,
5 “Isang taon na sweldo ang halaga ng pabangong iyan. Bakit hindi na lang iyan ipinagbili, at ibigay sa mahihirap ang pera?”
6 Sinabi niya ito, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga mahihirap kundi dahil isa siyang magnanakaw. Bilang tagapag-ingat ng pera nila, madalas niya itong kinukupitan.
7 Pero sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Ibinuhos niya ito sa katawan ko bilang paghahanda sa aking libing.
8 Lagi nʼyong nakakasama ang mga mahihirap, pero akoʼy hindi nʼyo laging makakasama.”
9 Maraming Judio ang nakabalita na nasa Betania si Jesus. Kaya nagpuntahan sila roon, hindi lang dahil kay Jesus kundi upang makita rin si Lazarus na muli niyang binuhay.
10 Kaya binalak din ng mga namamahalang pari na ipapatay si Lazarus,
11 dahil siya ang dahilan kaya maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming tao na dumalo sa pista na papunta si Jesus sa Jerusalem.
13 Kaya kumuha sila ng mga palaspas at sinalubong si Jesus. Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios! Pagpalain ang dumarating na ito sa pangalan ng Panginoon. Pagpalain ang Hari ng Israel!”
14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nakasaad sa Kasulatan,
15 “Huwag kayong matakot, mga taga-Zion!Makinig kayo! Paparating na ang inyong Harina nakasakay sa isang batang asno!”
16 Hindi pa naiintindihan noon ng mga tagasunod ni Jesus ang ginawang iyon ng mga tao. Pero nang makabalik na si Jesus sa langit, saka lang nila naintindihan na iyon ang nakasaad sa Kasulatan.
17 Marami ang nakasaksi nang muling buhayin ni Jesus si Lazarus. At ipinamalita nila ang pangyayaring ito.
18 Kaya marami ang sumalubong kay Jesus, dahil nabalitaan nila ang ginawa niyang himala.
19 Dahil dito, nag-usap-usap ang mga Pariseo, “Tingnan ninyo, sumusunod na sa kanya ang lahat ng tao, at wala tayong magawa!”
20 May mga Griego ring pumunta sa Jerusalem upang sumamba sa Dios sa kapistahan.
21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida sa probinsya ng Galilea. Sinabi nila sa kanya, “Gusto po sana naming makita si Jesus.”
22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi sa kanya ang kahilingan ng mga Griego. Pagkatapos, pinuntahan nila si Jesus at ipinaalam ang kahilingan.
23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Dumating na ang oras upang dakilain ako na Anak ng Tao.
24 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang mamatay ang isang butil ng trigong itinanim sa lupa, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, tutubo ito at mamumunga nang marami.
25 Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang hindi nanghihinayang sa buhay niya sa mundong ito alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
26 Ang sinumang gustong maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako naroon din dapat siya. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.”
27 Sinabi pa ni Jesus, “Nababagabag ako ngayon. Sasabihin ko ba sa Ama na iligtas niya ako sa nalalapit na paghihirap? Hindi, dahil ito ang dahilan ng pagpunta ko rito.”
28 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa Ama, “Ama, ipakita nʼyo ang inyong kadakilaan.” Isang tinig mula sa langit ang sumagot, “Ipinakita ko na sa pamamagitan mo, at muli ko itong ipapakita.”
29 Nang marinig ng mga taong naroon ang tinig, sinabi nila, “Kumulog!” Pero sinabi naman ng iba, “Kinausap siya ng isang anghel.”
30 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig hindi para sa akin kundi para sa kapakanan ninyo.
31 Dumating na ang paghatol sa mga tao sa mundo. Malulupig na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito.
32 At kapag itinaas na ako mula sa lupa, ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.”
33 (Sinabi ito ni Jesus upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.)
34 Sumagot ang mga tao sa kanya, “Nakasaad sa Kasulatan na ang Cristoʼy mabubuhay nang walang hanggan. Bakit mo sinasabing kailangang mamatay ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Tao na tinutukoy mo?”
35 Sumagot si Jesus, “Maikling panahon na lang ninyong makakasama ang ilaw. Kaya mamuhay kayo sa liwanag ng ilaw na ito habang narito pa, para hindi kayo abutan ng dilim. Sapagkat hindi alam ng naglalakad sa dilim kung saan siya papunta.
36 Kaya sumampalataya kayo sa akin na siyang ilaw ninyo habang narito pa ako, para maliwanagan ang isipan ninyo.” Pagkasabi ni Jesus nito, umalis siya at nagtago sa kanila.
37 Kahit na nakita ng mga Judio ang maraming himala na ginawa ni Jesus, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya.
38 Sa ganoon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,“Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?Sino sa mga pinakitaan mo ng iyong kapangyarihan ang sumampalataya?”
39 Sinabi pa ni Isaias na kaya ayaw nilang sumampalataya ay dahil:
40 “Binulag ng Dios ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita,at isinara niya ang kanilang mga isip upang hindi sila makaunawa,dahil baka manumbalik pa sila sa kanya, at pagalingin niya sila.”
41 Sinabi ito ni Isaias dahil nakita niya ang kadakilaan ni Jesus, at nagsalita siya tungkol sa kanya.
42 Ganoon pa man, maraming pinuno ng mga Judio ang sumampalataya kay Jesus. Pero inilihim nila ang kanilang pananampalataya dahil takot silang hindi na tanggapin ng mga Pariseo sa mga sambahan.
43 Sapagkat mas ginusto pa nilang purihin sila ng tao kaysa ng Dios.
44 Nagsalita si Jesus nang malakas: “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lang sa akin sumasampalataya kundi pati sa nagsugo sa akin.
45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin.
46 Naparito ako bilang ilaw ng mundo, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman.
47 Ang sinumang nakarinig ng aking mga aral pero hindi sumunod ay hahatulan, ngunit hindi ako ang hahatol sa kanya. Sapagkat hindi ako naparito sa mundo para hatulan ang mga tao kundi iligtas sila.
48 May ibang hahatol sa ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga aral. Ang mga salitang ipinangaral ko ang hahatol sa kanila sa huling araw.
49 Sapagkat ang mga aral koʼy hindi galing sa sarili ko lang kundi galing sa Amang nagsugo sa akin. Siya ang nag-uutos kung ano ang sasabihin ko.
50 At alam ko na ang mga utos niya ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya kung ano ang ipinasasabi ng Ama, iyon lang ang sinasabi ko.”