1 Kaya ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit.
2 Gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at ipinutong kay Jesus, at sinuotan nila siya ng kulay ubeng kapa.
3 At isa-isa silang lumapit sa kanya at nagsabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” at pinagsasampal siya.
4 Muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga tao, “Makinig kayo! Ihaharap ko siyang muli sa inyo. Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya!”
5 Nang lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang kulay ubeng kapa, sinabi ni Pilato, “Tingnan nʼyo siya!”
6 Nang makita si Jesus ng mga namamahalang pari at ng mga guwardya, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Pero sumagot si Pilato, “Kayo ang kumuha sa kanya at magpako sa krus, dahil kung sa akin lang ay wala akong makitang kasalanan sa kanya.”
7 Pero nagpumilit ang mga Judio, “May Kautusan kami. At ayon dito, dapat siyang mamatay dahil sinasabi niyang Anak siya ng Dios.”
8 Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa siyang natakot.
9 Kaya muli niyang dinala si Jesus sa loob ng palasyo at tinanong, “Taga-saan ka ba?” Pero hindi sumagot si Jesus.
10 Kaya sinabi ni Pilato, “Bakit ayaw mo akong sagutin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?”
11 Sumagot si Jesus, “Wala kang maaaring gawin sa akin kung hindi ka binigyan ng Dios ng kapangyarihan. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagdala sa akin dito sa iyo.”
12 Nang marinig ito ni Pilato, muli niyang sinikap na mapalaya si Jesus. Pero nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sapagkat ang sinumang nagsasabing hari siya ay kaaway ng Emperador.”
13 Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Jesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay “Batong Plataporma”, (na sa wikang Hebreo ay “Gabbata”).
14 Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang hari nʼyo!”
15 Pero nagsigawan ang mga Judio, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapako ko ba sa krus ang hari nʼyo?” Sumagot ang mga namamahalang pari, “Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!”
16 Kaya ibinigay ni Pilato sa kanila si Jesus upang ipako sa krus.Dinala si Jesus ng mga sundalo
17 palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Jesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na “Lugar ng Bungo” (na sa wikang Hebreo ay Golgota).
18 Doon nila ipinako sa krus si Jesus, kasama ng dalawa pa. Sa kanan ang isa at ang isa namaʼy sa kaliwa, at nasa gitna nila si Jesus.
19 Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.”
20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit lang sa lungsod ang lugar kung saan ipinako sa krus si Jesus.
21 Nagreklamo ang mga namamahalang pari kay Pilato, “Hindi dapat ‘Hari ng mga Judio’ ang isinulat nʼyo kundi, ‘Sinabi ng taong ito na siya raw ang hari ng mga Judio.’ ”
22 Pero sinagot sila ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na.”
23 Nang maipako na ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kanyang damit at hinati-hati sa apat, tig-isang bahagi ang bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit-panloob niya; hinabi ito nang buo at walang tahi o dugtong.
24 Sinabi ng isang sundalo, “Huwag na natin itong paghatian. Magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa Kasulatan,“Pinaghati-hatian nila ang aking damit,at nagpalabunutan sila para sa aking damit-panloob.”At ito nga ang ginawa ng mga sundalo.
25 Nakatayo malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala.
26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang tagasunod, sinabi niya, “Babae, ituring mo siyang anak.”
27 At sinabi naman niya sa tagasunod niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito.
28 Alam ni Jesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.”
29 May isang banga roon na puno ng maasim na alak. Isinawsaw ng mga sundalo ang isang espongha sa alak, ikinabit sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus.
30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
31 Bisperas na noon ng pista, at kinabukasan ay espesyal na Araw ng Pamamahinga. Dahil ayaw ng mga Judio na maiwan sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga, hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako upang madali silang mamatay, at nang maalis agad ang mga bangkay.
32 Kaya ito nga ang ginawa ng mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng dalawang kasama ni Jesus na ipinako.
33 Pero pagdating nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya, kaya hindi na nila binali ang mga binti niya.
34 Sa halip, sinaksak ng sibat ng isa sa kanila ang tagiliran ni Jesus at biglang dumaloy ang dugo at tubig.
35 Nakita ko mismo ang mga pangyayari, at isinasalaysay ko ito sa inyo. Totoong nangyari ito, kaya alam kong totoo ang mga sinasabi ko. Isinasalaysay ko ito upang sumampalataya rin kayo.
36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan: “Walang mababali ni isa man sa kanyang mga buto.”
37 Sinasabi rin sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang taong sinaksak nila.”
38 Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito.
39 Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe.
40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing.
41 Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan.
42 Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.