19 Nang takip-silim na ng araw na iyon, nagsama-sama ang mga tagasunod ni Jesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.”
20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang sugat sa mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga tagasunod nang makita ang Panginoon.
21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, kayo ay isinusugo ko rin.”
22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, “Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu.
23 Kung patatawarin nʼyo ang kasalanan ng isang tao, pinatawad na siya ng Dios. At kung hindi nʼyo patatawarin ang kanyang kasalanan, hindi rin siya pinatawad ng Dios.”
24 Si Tomas na tinatawag na Kambal, na isa rin sa 12 apostol ay hindi nila kasama noong nagpakita si Jesus.
25 Kaya ibinalita nila sa kanya na nakita nila ang Panginoon. Pero sinabi niya sa kanila, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.”