24 Si Tomas na tinatawag na Kambal, na isa rin sa 12 apostol ay hindi nila kasama noong nagpakita si Jesus.
25 Kaya ibinalita nila sa kanya na nakita nila ang Panginoon. Pero sinabi niya sa kanila, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.”
26 Makalipas ang walong araw, nagtipon ulit ang mga tagasunod ni Jesus sa loob ng bahay. Kasama na nila si Tomas. Kahit nakakandado ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.”
27 Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Tingnan mo ang mga kamay ko. Hipuin mo, pati na rin ang aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na.”
28 Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon ko at Dios ko!”
29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
30 Marami pang himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga tagasunod niya ang hindi naisulat sa aklat na ito.