26 Makalipas ang walong araw, nagtipon ulit ang mga tagasunod ni Jesus sa loob ng bahay. Kasama na nila si Tomas. Kahit nakakandado ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.”
27 Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Tingnan mo ang mga kamay ko. Hipuin mo, pati na rin ang aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na.”
28 Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon ko at Dios ko!”
29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
30 Marami pang himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga tagasunod niya ang hindi naisulat sa aklat na ito.
31 Pero ang nasa aklat na itoʼy isinulat upang sumampalataya kayo na si Jesus nga ang Cristo, ang Anak ng Dios. At kung sasampalataya kayo sa kanya, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.