18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios.
19 Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila.
20 Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa.
21 Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios.”
22 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa ibang lugar ng Judea. Nanatili sila roon at nagbautismo ng mga tao.
23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon, malapit sa Salim, dahil maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao upang magpabautismo.
24 (Hindi pa nakakulong noon si Juan.)