39 (Ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay ang Banal na Espiritu na malapit nang tanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naipagkakaloob ang Banal na Espiritu nang panahong iyon dahil hindi pa nakabalik sa langit si Jesus.)
40 Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Jesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!”
41 Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Cristo!” Pero may nagsabi rin, “Hindi siya ang Cristo, dahil hindi maaaring manggaling ang Cristo sa Galilea.
42 Hindi baʼt sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni Haring David, at ipapanganak sa Betlehem na bayan ni David?”
43 Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus.
44 Gusto ng ilan na dakpin siya, pero walang humuli sa kanya.
45 Bumalik ang mga guwardya ng templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Jesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?”